Saturday, November 7, 2015

Ang Pag-ibig alinsunod sa Pakete ng Tide Ultra

By Gilbert M. Sape



Sabi ko

ayaw kong maglaba sa gabi
hindi ko alam kung bakit
siguro’y ayaw kong makitang
nakasungaw ang bituin sa ulap
at pinapanood ang bawat kong kusot

pero hindi kagabi—
ang totoo
naglaba ako

sinamantala ko ang pangungulimlim
ng bituin sa nangingilid na ulap
at natitiyak ko
maputi ang aking nilabhan
sinunod ko yata ang bawat instruksyon

sa likod ng pakete ng tide ultra:

1. kunin sa timba ang damdaming
matagal nang ibinabad

2. kusutin nang mabuti pabulain…
pabulain upang matiyak
na natatakpan na ng bula
ang mga salitang noon pa sana sinabi

3. at dahil nahuli na sa sikat ng araw
na siyang pagkukulahan,
lagyan na lamang ng clorox
upang kumupas at walang makakita
sa mantsa ni Eros

4. banlawan
maraming banlaw
at tiyaking maisama sa tubig
ang mga sentimiyento
at panghihinayang

5. ibuhos sa kanal ang tubig
upang makapagtago sa burak
ang mga pagsinta

6. isampay sa mahanging lugar
ang nilabhang damdamin
pabayaan itong makahinga
matagal na rin namang
naikubli ito sa baul

Pagmumuni pagkatapos…
napigaan ko na ang damit
mariin
nakalimutan ko nga lamang
pigaan ang tubig sa aking mata
paalam muna
samantala’y magpapatuyo muna ako—
ng damit
ng mata
sana’y walang makakita
salamat sa pakete ng tide ultra


Text Message

By Coco


Mahal, hinihintay ko ang text mo.

Kailan ka ba ulit magpaparamdam?
Dahil ang mga kamay ko'y hindi nangangalay
Sa kahihintay ng pagsulpot ng iyong pangalan
Sa aking teleponong tila inaamag o kinakalawang na
Tulad ng puso kong halos masira na.

Masira. Mawasak. Mabasabag.

Masira sa sakit na naidulot ng iyong paglisan.
Mawasak sa hapdi ng iyong pananahimik.
Mabasag sa kirot ng iyong mga alaala.

Mahal, mag-text ka naman.
Tulad ng dati mong ginagawa kapag wala kang magawa
Kapag gusto mong magpatay ng oras habang nakapila ka sa MRT
Sayangin ang bawat minuto kapag naiipit ka sa traffic.
I-text mo ako gaya ng palagi mong ginagawa
Kapag gusto mong makalimutan ang mga problema mo sa buhay
At kailangan mo ako upang pagaanin ang bigat
Na iyong nararamdaman.

Dahil sasagutin kita…
Tulad ng lagi kong ginagawang
Pagpapangiti sa mga matatamis mong labi
Sa bawat mahahaba kong sagot sa mga texts mong
Maiikli na't wala pang laman.

Mahal, sasagot ako at hindi ako mapapagod
Patahanin ka sa bawat paghikbi mo dahil sa iyong mga kabiguan sa buhay
Lagi akong naririto't yayakap sa iyo sa lamig
At gagabay sa iyo sa dilim.
Sasamahan kita kahit ako'y pagod na.
'Di kita iiwan gaya ng paulit-ulit mong pagiwan sa akin
Sa ereng nakakalula na
Sa daming beses mo akong iniwang mag-isa.

Mahal, i-text mo ako.
At sa huling pagkakataon aasa ako…

Hangang hawak ko ang cellphone na binili ko
Noong magkasama pa tayo.

Hanggang hawak pa ng puso ko ang isip ko
Hanggang kaya ko pa…

Mahal, i-text mo ako
At sabihin mo sa akin mula sa iyo na ayaw mo na
Dahil balang araw
Titigil din ako sa kahihintay.

Kapag ang cellphone ko ay naubusan na ng baterya,
Malamang ang puso ko ay patay na.