Sa unang tingin pa lang,
Alam mong ako’y gusto mo na.
Mata mo’y kumikinang nang
Sinabi mong ako’y mahalaga.
Ako’y iyong sinukat
At sinubok ilakad—
Pinakamatibay sa lahat,
Kulay ay di masyadong matingkad.
Matapos bilhin,
Akoy’ iyong ginamit,
Nirampa sa liwanag at dilim—
Malayo man o malapit.
Magkasama tayo sa lahat ng byahe
At sa lahat ng okasyon.
Lumakad tuwing walang pamasahe—
Panglakad lalo na ‘pag bakasyon.
Nakita natin ang kulay ng mundo—
Magkasalo sa hirap at ginhawa.
Minsan ma’y hindi magkasundo,
Tayo’y walang kasawa-sawa.
Iniwas kita sa dumi ng lupa,
Prinotektahang ‘di magkasugat,
Inibig, Kinlinga,
At ibinigay ang lahat
Subalit ano ang nangyari?
Ako’y iyong kinahon.
Nalimot ang mga pangyayari,
Pagsasama natin ay ibinaon.
Ako’y iyong iniwan
Sa mga byahe ay di na isinama.
Bakit pinabayaan
At hinayaang maluma?
Hangad kong ika’y maging masaya,
Maabot ang langit,
Pagsubok ay makaya
Kahit hindi na ako kasama.
No comments:
Post a Comment